Nagtatampo ako sa'yo. Alam mo ba 'yun? Siguro akala mo hindi ako matampuhin, madalas ko kasi itong itago o hindi ko inaamin. Pero ngayon aaminin ko nagtampo talaga ako.
Nasaktan ako e, alam mo naman diba? Nakita mo. Nakita mo ang mga patak ng luha sa aking mata na pilit kong itinago. Pero wala naman ata akong maitatago sa'yo, alam mo na ang lahat sa akin. Ikaw ang nakakakilala sakin ng buo. At dahil dun mas lalo ako nagtampo. Pakiramdam ko napabayaan ako. Pinabayaan mo akong mag-isa, alam mo naman na hindi ko gustong mapag-isa sa mga ganitong panahon. Wala kang obligasyon na samahan ako pero hindi ba dapat may gawin ka? Nasaan ka? Pakiramdam ko nawala ka bigla.
Oo nga naman, marami kang inaasikaso. Maraming naghahanap sa'yo at masyado kang abala para intindihin pa ang kadramahang kong ito. Pero alam ko kayang kaya mo akong intindihin kahit gaano ka pa ka-abala. Ayaw kong isipin na wala akong halaga sa'yo, kasi sabi mo mahalaga ako sa'yo pero sumagi 'yun sa isipan ko. Lalo akong nalungkot at naiyak sa mga naisip ko. Bakit ganun ka? Ayaw na muna kita kausapin.
Dito ko napag-isip isip na mahal pala talaga kita. Na kahit nagtatampo ako, hindi kita matiis. Kahit ayaw kita kausapin, mayroon nagtutulak sa akin na gawin 'yun. Hindi rin kita natiis. Kinausap din kita. Sinabi mo ang mga kailangan kong marinig. Napangiti ako. Naintindihan kita.Siguro ganito ang nararamdaman mo kapag ako naman ang hindi mo maramdaman. Ngayon alam ko na. Patawarin mo ako. Bati na tayo ha?
No comments:
Post a Comment